
Isinusulong ni Mamamayang Liberal o ML Party-list Representative Leila De Lima na matuldukan ang lubos na “secrecy” o paglilihim sa publiko ng detalye ng paggastos ng confidential at intelligence funds (CIF).
Nakapaloob ito sa House Bill 1845 o panukalang CIF Utilization and Accountability Act na inihain ni De Lima.
Inuutos ng panukalang batas na lahat ng CIF information at dokumento ay mananatiling confidential pero awtomatiko itong isasapubliko kapag naglabas ng Notice of Disallowance ang Commission on Audit.
Pinalilimitahan din ni De Lima sa 10% ang alokasyon ng confidential at intelligence funds mula sa total annual budget ng isang ahensiya.
Giit pa ni De Lima, dapat ay bigyan lamang ng CIF ang mga ahensiya, departamento at unit na may mandato kaugnay sa national security, peace and order at intelligence gathering.









