Detalye ng panukalang pagbibigay emergency powers ng kongreso kay Pangulong Duterte para maisaayos ang PhilHealth, nais mabusisi ng palasyo

Photo Courtesy: pcoo.gov.ph

Interesadong masilip ng Malakanyang ang nilalaman ng emergency powers na sinasabing nais ipagkaloob ng Kongreso kay Pangulong Rodrigo Duterte upang tuluyang matuldukan ang korapsyon sa PhilHealth.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Atty. Harry Roque, bagama’t welcome sa kanila ang nasabing inisyastibo ng Kongreso ay mas maiging makita muna kung ano ang nilalaman ng rekomendasyon ng Mababang Kapulungan.

Nais matukoy ni Roque ang specific emergency powers na nais ibigay ng Kongreso sa Pangulo.


Una nang nagpahayag ng suporta na mabigyan ng emergency powers ang Presidente para mai-reporma ang PhilHealth ay sina Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque gayundin si Department of Justice (DOJ) Undersecretary Adrian Sugay.

Hindi naman pabor ang ilang mambabatas na pagkalooban pa ng emergency powers ang Pangulo dahil mayroon naman itong kapangyarihan para lutasin ang problema sa state insurer.

Matatandaang una nang ipinag-utos ni Pangulong Duterte sa DOJ na bumuo ng task force na kinabibilangan ng Office of the Ombudsman, Commission on Audit (COA), Civil Service Commission (CSC), Office of the Executive Secretary at Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na layuning mag-imbestiga, magsagawa ng lifestyle checks, at mag-impose ng preventive suspension para sa mga PhilHealth officials na pinaniniwalaang sangkot sa katiwalian.

Facebook Comments