Humihingi pa ng detalye mula sa Quezon City Epidemiology Service Unit (CESU) ang Department of Health (DOH) sa history o datos ng taga-Liloan, Cebu na nagpositibo sa UK variant ng COVID-19.
Ayon kay Dr. Alethea de Guzman, Officer-in-Charge ng DOH Epidemiology Bureau, ang nakalap pa lamang nila ay Nobyembre ng nakaraang taon lamang ito nagsimulang manirahan sa Brgy. Commonwealth.
Kasama rin aniya sa pinakikilos nila ay ang Parañaque CESU dahil sa lumalabas na tumira rin ito sa Sucat habang nag-aasikaso ng kanyang dokumento.
Samantala, kinumpirma ni Dr. de Guzman na sinimulan na ang extraction ng sample sa mga kawani ng MRT-3 na nauna nang pagpositibo sa COVID-19.
Layon nito na malaman kung positibo rin sila sa UK variant.
Aalamin lamang aniya kung sapat ang makukuhang sample para maisailalim sa genome sequencing.
Una nang inihayag kahapon ng DOH na positibo sa UK variant ang isang babaeng residente ng Pasay City na nanay ng empleyado ng MRT-3 pero gumaling na ito.