Pinasisiwalat ni Vice President Leni Robredo ang mga detalye hinggil sa pagpapabakuna ng ilang miyembro ng gabinete at ng Presidential Security Group (PSG) gamit ang hindi rehistradong COVID-19 vaccine.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, nananawagan si Robredo ng ‘transparency’ at ‘accountability’ mula sa gobyerno at dapat tiyaking walang cover-up na nangyayari sa vaccination.
Marami pa aniyang hindi nasasagot na tanong hinggil sa isyu ng smuggled vaccines.
Kabilang aniya rito ang paraan ng pagpasok ng bakuna, sino ang nag-donate at bakit hindi dumaan sa Food and Drug Administration (FDA) at sa Bureau of Customs (BOC).
Hindi nararapat sa mga tao ang ganitong kontrobersiya lalo na kung nais ng administrasyon na makuha ang tiwala ng publiko.
Para kay Robredo, nawawalan ng saysay ang regulasyon sa bansa kung hinahayaan ng gobyerno ang mga tao at mga public officials na magkaroon ng access sa mga hindi awtorisadong bakuna.