Ni-raid ng mga awtoridad ang detention facility ng Bureau of Immigration (BI) sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Ito ay bahagi ng Greyhound o anti-illegal drugs and anti-contraband operations ng pinagsanib na pwersa ng BI at ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Kasunod ito ng intelligence report hinggil sa mga kontrabandong ipinupuslit sa loob ng kulungan ng mga dayuhang naaresto dahil sa paglabag sa Immigration laws ng Pilipinas.
Kabilang sa mga tumambad sa raiding team ang mga laptop, cellphone, internet routers, sigarilyo at iba pa.
Kasabay nito, isinailalim sa drug test ang mga tauhan ng BI na nagbabantay sa detention facility.
Iniimbestigahan na rin ng mga awtoridad kung paano nakapasok sa kulungan ang naturang mga kontrabando.