
Pinagpaplanuhan na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na maglagay ng detour sa gilid ng landslide site sa Bukidnon–Davao Road sa Overview, Sitio Kipolot, Barangay Palacapao, Quezon, Bukidnon.
Ito ay base sa report ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa bayan sa pamamagitan ng mga Technical Working Groups ng DPWH mula sa Central, Regional, at District Offices.
Sinasabing itatayo ang detour sa loob ng dalawang linggo habang hindi pa tukoy ang tunay na sanhi ng naturang landslide.
Patuloy naman ang isinasagawang retrieval operation ng mga awtoridad para sa mag-asawang sinasabing natabunan ng gumuhong lupa.
Aabot na sa halos 400 rescuers ang nagtulong-tulong at gumamit na rin ng K9 units at scanners para mapadali ang paghahanap sa mag-asawa.









