Tiniyak ng Department of National Defense (DND) na kabilang sa prayoridad ng ahensya ang pagpapahusay at upgrade ng government arsenal na matatagpuan sa Bataan.
Sa pagdinig ng Senate Committee on National Defense and Security patungkol sa pagsasaayos ng organizational role ng DND, naitanong ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang limitadong paggawa ng sandata at armas ng ating government arsenal at tila puro na lamang refurbishing ng mga armas ang ginagawa sa halip na gumawa tayo ng sariling firearms at ammunitions.
Aminado ang DND na kulang na kulang sa mga armas at bala ng Hukbong Sandatahan ng bansa.
Ayon kay Defense Senior Usec. Irineo Espino, sa ngayon gumagawa lang ang ating arsenal ng maliliit na sandata at nag-i-import pa rin tayo sa ibang mga bansa ng mga armas at bala.
Pero pagtitiyak ni Espino, prayoridad ni Defense Secretary Gilbert Teodoro ang development at upgrade ng government arsenal kung saan hindi lang modernong kagamitan ang nais ng kalihim kundi nais din nitong maipasa sa atin ang gamit na teknolohiya upang sa gayon ay makapag-develop at makapag-reproduce tayo ng sariling mga armas, sandata at bala na kailangan ng ating Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayaw aniya ng ahensya na mangyari ulit ang Marawi siege kung saan kinailangan pa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na maglibot sa malalayong bansa para lang makabili tayo ng matataas na kalibre ng armas dahil wala nito ang bansa.
Giit naman dito ni Zubiri, kinakailangan na makapag-produce tayo ng sariling mga armas lalo’t mayroon naman tayong sariling resources, manpower at kakayahan na makagawa ng de kalibreng mga sandata.
Dagdag pa ng Senate president, mismong si Pangulong Bongbong Marcos ay gusto na magkaroon ang bansa ng sariling defense industry at ang Kongreso ay committed na madagdagan pa ang budget ng AFP sa susunod na taon.