Pinaaalis ni Quezon City Rep. Precious Castelo ang buwis sa computers, mobile phones, tablets at iba pang communication devices na gagamitin ng mga estudyante at mga guro sa virtual at blended learning.
Ayon kay Castelo, mas makakamura ang mga mahihirap na mag-aaral at mga guro sa presyo kung aalisin ang buwis sa halaga ng gadgets at devices.
Tinukoy na rin naman aniya ng Department of Education (DepEd) ang mga tools na kakailanganin ng mga estudyante at mga guro para sa hybrid at distance learning.
Sinabi ng mambabatas na dahil imported ang gadgets ay pinapatawan na ito ng custom at tariff duties dagdag pa rito ang 12% Value Added Tax (VAT).
Hinimok din ni Castelo ang mga telecommunications company o Telcos na palakasin ang kanilang internet at mobile connectivity signals lalong-lalo na sa mga malalayong probinsya o lugar.
Binigyang-diin ng lady solon na kaya itong gawin ng mga Telcos kung gugustuhin dahil nitong nakaraang lockdown ay kusang nilakasan ng mga kumpanya ang kanilang signals ng libre kung saan bumilis pansamantala ang internet connectivity.