DFA: Alert level sa Myanmar, pinag-aaralan nang maibaba sa Alert Level 2

Inaaral na ngayon ng Department of Foreign affairs (DFA) na maibaba ang alerto sa bansang Myanmar.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Usec. Eduardo de Vega ng Office of Migrant Workers Affairs ng DFA na maganda na ngayon ang sitwasyon sa Yangon City sa Myanmar.

Dahil dito, pinag-uusapan na aniya nila na ibaba ang Alert Level 4 na umiiral sa kasalukuyan.


Sinabi ni De Vega na batay sa kanilang inisyal na pag-aaral, tinitingnan nila kung pwede na itong ibaba sa Alert Level 2 na ang katumbas ay restricted.

Ibig sabihin ay papayagan lamang makabalik sa Myanmar ay ang dati nang may working o business visa o mga Pilipino na nagbakasyon lamang dito sa Pilipinas at babalik sa Myanmar para makabalik sa kanilang mga pinagtatrabahuhan.

Nilinaw ng opisyal na hindi pa pinayapagan ang deployment para sa bagong mga manggagawa patungong Myanmar.

Facebook Comments