Inutusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) na mahigpit na makipag-ugnayan sa state of Hawaii.
Ito ay sa harap ng patuloy na pagdadalamhati ng maraming Filipino at Filipino American communities mula sa dinanas na trahedya o wildfire.
Sa official twitter account ng pangulo, sinabi nitong marapat lamang matulungan ng gobyerno ang mga Filipino community sa Hawaii na muling makabangon matapos ang trahedya.
Sinabi ng pangulo na nagkakaisa ang lahat para isulong ang kapakanan ng mga Filipinong naapektuhan at maipaabot ang patuloy na suporta sa kanila ng gobyerno.
Dagdag pa ng pangulo na ramdam niya ang bigat na idinulot ng trahedyang ito sa mga Pilipino.
Ipinaabot din ng pangulo ang kaniyang taimtim na pakikiramay sa mga naulila ng mga biktima.
Sa pinakahuling bilang na naitala ng mga awtoridad, umaabot na sa 29 na mga Pilipino ang natukoy na nasawi sa nasabing wildfire.