Umapela ng tulong sa Kamara ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Labor and Employment (DOLE) para madagdagan ang pondo sa mga repatriated OFW.
Sa pagdinig ng House Committee on Public Accounts, sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Sarah Lou Arriola na sa P1-billion na alokasyon para sa OFWs repatriation ay P329 million na lamang ang natitira.
Paliwanag nito, napakamahal ng bawat flights na aabot sa P12 hanggang P13 million na may 350 passengers lamang.
Kung hindi madadagdagan ang pondo ay mawawalan na sila ng pondo pagsapit ng kalagitnaan ng July hanggang August.
Samantala, sinabi naman ni Labor Sec. Silvestre Bello III na sa kabuuang P2.5 billion na budget ay nagamit na ang P1.7 billion na pondo para sa DOLE Abot Kamay Ang Pagtulong (AKAP) na programa para sa mga OFW.
Nababahala si Bello na kapag naaprubahan sa mga susunod na buwan ang karagdagang 500,000 applications sa DOLE-AKAP ay tiyak na kukulangin na ang kanilang pondo.
Sa ilalim ng naturang programa, binibigyan ng DOLE katuwang ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ng $200 financial assistance ang mga OFWs.
Sa datos ng DFA, aabot sa humigit kumulang 167,000 ang stranded na OFWs sa ibang mga bansa.