DFA, ibinaba na sa Alert Level 2 ang 6 na rehiyon sa Ethiopia

Ibinaba na ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Alert Level 2 mula sa Alert Level 4 ang anim na rehiyon sa Ethiopia.

Ayon sa DFA, kabilang sa mga rehiyon na isinailalim ng DFA sa Alert Level 2 ang Oromia kasama ang mga lungsod ng Addis Ababa at Dire Dawa, Somali, Southern Nations, Nationalities and Peoples Region (SNNPR) Gambella, Harari at South West regions.

Ipinatutupad ang Alert Level 2 kapag may mga banta sa buhay, seguridad, at ari-arian ng mga Pilipino na nagmumula sa banta sa host country.


Sa ilalim din ng Alert Level 2, ang mga Pilipino sa mga rehiyong ito ay inaatasan bawasan ang kanilang paggalaw, iwasan ang mga pampublikong lugar at maghanda para sa paglikas kung kinakailangan.

Samantala, mananatili naman sa Alert Level 4 o ang Tigray, Afar, Amhara at Benishangul-Gumuz regions sa hilahang Ethiopia.

Nauna nang inilagay ng DFA ang buong Ethiopia sa Alert Level 4 dahil sa lumalalang kaguluhan sa pagitan ng pwersa ng Tigray at tropang Ethiopian.

Facebook Comments