Na-interview ng konsulada ng Pilipinas sa Milan, Italy ang ilang pangunahing testigo sa job scam na nambiktima ng mahigit 200 Overseas Filipino Workers (OFWs).
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), ang pangalan ng mga testigo ay nagamit sa paghahain ng work permit applications.
Sa ngayon, aabot na sa 60 complainants laban sa Alpha Assistenzia ang humingi ng tulong sa konsulada ng Pilipinas sa Italy.
Dahil sa nadagdag na mga biktima, lumobo pa ang bilang ng mga indibidwal na nabiktima ng scam sa 221.
Naibulsa ng scammers ang P39.7 million matapos ang paniningil nila ng P180,000 sa kada jobseekers.
Maliban sa naturang scam, sinisilip na rin ng konsulada ang iba pang kaso ng fraud na isinasagawa ng mga Pilipino sa kapwa nila Pinoy.
Kabilang na rito ang pagkakasangkot sa airline tickets, work permit conversions at citizenship applications.