Nagkasa na ng imbestigasyon ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa isang personnel sa Embahada ng Pilipinas sa Damascus, Syria.
Ito ay kasunod ng lumabas na artikulo mula sa Washington Post na may kinalaman sa pang-aabuso, panghahalay at pagkulong sa mga Filipina worker.
Ayon sa DFA, nagpadala na sila ng human rights lawyer para silipin ang mga alegasyon ng pangmamaltrato sa mga Pilipino sa ilalim ng pangangalaga ng Filipino Workers Resource Center (FWRA).
Sinabi ni DFA Secretary Teodoro Locsin, ang artikulo ng Washington Post ay matagal nang isyu pero aminado siyang hindi ito excuse sa kanilang kabiguang protektahan ang mga Pilipino sa ibang bansa.
Karamihan sa mga Pilipino sa Syria ay biktima ng trafficking at nahaharap sa mga multa dahil sa ilegal na naninirahan sa naturang bansa.
Nakikipag-ugnayan na ang DFA sa mga employer para sa exit visas at sa Syrian Government para sa iba pang requirements tulad ng pagbabayad ng visa fees, clearances residence visa penalties, social security clearance fees at court fees.
Sa impormasyon ng DFA, tatlo sa 15 Pilipino ay na-repatriate noong Disyembre habang ang natitirang 12 ay nakatakdang makauwi ngayong buwan.