Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mayroong isa pang Pilipinong tripulante ng Panamanian-flagged vessel Gulf Livestock 1 ang nakitang palutang-lutang sa karagatan sa isang balsa.
Ayon sa DFA, nasagip na ang 30-anyos na Pinoy tripulante ilang kilometro ang layo mula Kodakarajima, isang remote island sa timog-kanluran ng Japan.
Hindi muna pinangalanan ng DFA ang nasabing Pinoy seafarer.
Ang bagong Pilipinong seafarer ay ikalawa sa 43 tripulante na nailigtas ng Japanese Coast Guard mula nang magpadala ang barko ng distress call nitong Miyerkules, 115 miles kanluran ng Amami Oshima Island.
Ilang oras nang matanggap ang distress call, nasagip ng Japanese Coast Guard si Eduardo Sareno, 45-anyos, isang Filipino Chief Officer ng barko.
Batay sa video na inilabas ng Japanese Coast Guard, makikita ang pagsagip kay Sareno habang palutang-lutang sa karagatan.
Nagpapagaling si Sareno sa ospital at nasa mabuti ang kanyang kalagayan.
Ang Filipino survivors ay iuuwi sa Pilipinas alinsunod sa COVID-19 protocols.
Samantala, wala ng buhay nang matagpuan ng Japanese Coast Guard ang isang hindi pa nakikilalang lalaki habang palutang-lutang sa karagatan ng Kagoshima Prefecture.
Hindi matukoy ang pagkakakilanlan ng lalaki dahil sa kondisyon ng kanyang labi.