Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na isang Pilipina ang kabilang sa mga nasawi dulot ng heatstroke sa Hajj Pilgrimage sa Saudi Arabia.
Ayon kay Foreign Undersecretary Eduardo de Vega, pumanaw ang Pilipina pilgrim nitong June 16 dahil sa heatstroke na agad ding nailibing makalipas ang ilang araw.
Nakabase umano sa Riyadh ang naturang Pilipina at hindi bahagi ng Hajj delegation na inorganisa ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) ayon sa Embahada ng Pilipinas sa Riyadh.
Sinasabing ang Pilipinang nasawi ang tanging Pilipinong napabilang sa naiulat na higit 900 pumanaw sa Hajj Pilgrimage ngayong taon.
Dagdag pa ni Usec. De Vega, nagpadala rin ang ahensiya ng mga tauhan sa Saudi Arabia upang i-assist ang Embahada ng Pilipinas doon sa pagbabantay at pagtulong sa mga Pilipinong pilgrims.
Tinatayang nasa 5,100 ang kabuuang bilang ng mga Pilipinong nakiisa sa Hajj simula ika-14 hanggang ika-19 ng Hunyo.