DFA kinumpirmang walang Pinoy casualties sa pag-atake sa Christchurch, New Zealand

Walang Filipino casualties sa naganap na pag-atake sa Christchurch shootings.

Ayon sa Embahada ng Pilipinas sa Wellington, hindi ito nakatanggap ng anumang impormasyon sa ngayon na nagpapahiwatig na may mga Pilipino na kabilang sa mga biktima.

Wala ding naiulat na nasaktan na Filipino sa pag-atake sa dalawang mosque sa Christchurch sa New Zealand, kung saan 49 ang namatay at nag-iwan ng mahigit dalawampung sugatan.


Una rito, nagpaabot ng pakikiramay ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa New Zealand at pamilya ng mga namatay sa pag-atake at nanalangin sa maagang paggaling ng mga nasugatan at pagbangon mula sa trahedya.

Kaugnay nito, mahigpit na nakikipag-ugnayan si Ambassador Jesus Gary Domingo sa Philippine Honorary Consulate sa Christchurch at lider ng Filipino community.

Pinayuhan din ng embahada ang halos 5,000 miyembro ng Filipino Community sa Christchurch na maging maingat at manatili sa loob ng bahay habang hindi pa bumabalik sa normal ang sitwasyon.

Facebook Comments