Manila, Philippines – Nabahala ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa European Parliament resolution sa kaso ni Senator Leila De Lima.
Ayon sa DFA, nananatili ang umiiral na prosesong ligal sa Pilipinas partikular ang pagprotekta sa karapatan ng bawat mamamayan at sa karapatang pantao.
Inihayag din ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mahalagang magsaliksik muna ang mga kasapi ng European Parliament bago maglabas ng resolusyon upang hindi ito mapulaan na nanghihimasok sa internal affairs ng mga bansang hindi kasapi ng European Union.
Umapela rin ang DFA sa international community na hayaang gumulong ang proseso sa mga kasong nakasampa mga hukuman sa Pilipinas.
Tiniyak din ng DFA na masusing iniimbestigahan ng gobyerno ng Pilipinas ang sinasabing state-sponsored extra judicial killings.