DFA: Mga seafarers mula sa Milan, dumating na sa bansa

Kabuuang 337 crew members mula sa Costa Cruises sa Milan ang dumating na sa bansa kagabi sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), nakauwi ang mga seafarers sa tulong ng pamunuan ng Costa Cruises at Philippine Consulate General sa Milan.

241 crew sa kabuuang bilang ay mula sa Costa Diadema, 47 mula sa Costa Luminosa at ang 49 ay crew ng Costa Smeralda.


Lahat ng 337 Pinoy OFWs ay dumaan sa Airport Medical Protocols at sumailalim na sa Mandatory 14-day Quarantine na required ng Department of Health (DOH)-Bureau of Quarantine.

Halos kasabay din nilang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang 336 stranded Filipino mula sa Maldives.

Kabilang sila sa mga distressed OFWs sa mga bansa na may COVID-19 outbreak.

Ayon kay Foreign Affairs Usec. for Migrant Workers’ Affairs Sarah Lou Arriola, ang DFA kasama ang DOH-Bureau of Quarantine at iba pang ahensya ay ginagawa ang lahat para matulungan ang mga Pinoy na gusto nang umuwi sa bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Facebook Comments