DFA, naaalarma sa plano ng Israel na full military takeover sa Gaza

Sumama na ang Pilipinas sa urgent na panawagan ng international community para sa pagwawakas ng lumalalang humanitarian catastrophe sa Gaza.

Sa statement na inilabas ng Department of Foreign Affairs (DFA), naaalarma na ito sa developments sa Gaza, kabilang na ang plano ng Israeli government na full military takeover sa Gaza.

Gayundin, sa mga nangyayaring pagharang sa humanitarian aid sa Gaza tulad ng pagpasok ng mga pagkain at inuming tubig.

Nababahala rin ang Pilipinas sa lumalawak na pag-atake ngayon sa Gaza at West Bank kung saan apektado ang mga sibilyan.

Ayon sa DFA, ang ganitong developments ay nagpapaliit sa tsansa na magkaroon ng pangmatagalan at komprehensibong kapayapaan sa Middle East.

Kaugnay nito, nanawagan ang Pilipinas sa Israel na ikonsidera ang mga panukalang ceasefire para maprotektahan ang mga sibilyan at mapanumbalik ang kapayapaan sa rehiyon.

Facebook Comments