Nagbabala ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa China na magkakaroon ng “matinding tugon” ang Pilipinas kapag umabot sa teritoryo ng bansa ang military exercises nito.
Ito ang pahayag ng DFA kasunod ng paglalabas ng Maritime Safety Administration ng China nitong June 27, 2020 na magsasagawa ng military exercises ang Chinese People’s Liberation Army sa pinagtatalunang karagatan, partikular sa Paracel Islands mula July 1 hanggang July 5, 2020 at ipagbabawal ang navigation sa lugar.
Ang military drills ay isasagawa sa lugar kung saan inaangkin din ng Vietnam.
Ayon kay Locsin, huwag magtatangka ang China na pumasok sa teritoryo ng Pilipinas dahil makakaharap nila ang matinding sagot, mapa-diplomatiko o kung anong hakbang na kailangan.
Payo rin ni Locsin sa mga bansa na kulang sa kakayahan na tumugon sa mga hamon sa integridad ng kanilang teritoryo na tutukan ang accuracy ng batas at geography.
Nanawagan si Locsin sa lahat ng concerned parties na iwasang palalain ang tension at sumunod sa kanilang responsibilidad sa ilalim ng international law, partikular ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Bukod dito, mahalagang sumunod ang lahat sa 2002 Declaration of the Conduct of Parties sa South China Sea, partikular ang pagpipigil sa pagsasagawa ng anumang aktibidad na maaaring magpapalala sa tension at makaapekto sa kapayapaan at seguridad sa lugar.