Binalaan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang publiko laban sa mga pekeng impormasyong kumakalat kaugnay sa sitwasyon sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay DFA Secretary Enrique Manalo, matagal na umanong natatakpan o natatabunan ng mga maling impormasyon ang tunay na mga kaganapan sa WPS.
Aniya, ang ilan sa mga salaysay na ito ay ipinalalabas na ang WPS ay isang yugto lamang para sa matinding tunggalian ng kapangyarihan na nararanasan sa rehiyon, at ang Pilipinas ay ginagamit umano ng ibang bansa.
Hinikayat naman ng DFA at Department of National Defense (DND) ang publiko na huwag magpadala sa mga propaganda at maling impormasyong pinapakalat ng Tsina, at ng iba pa.
Ibinahagi rin ng DFA na magkakaroon ng talakayan sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos tungkol sa pagpapaigting ng kanilang cyber digital policies upang tugunan ang naturang isyu.