Nagbabala ang pamahalaan sa publiko laban sa mga scammer na gumagamit ng pekeng travel exemption letters na kailangan ng mga dayuhan para makapasok sa Pilipinas sa gitna ng travel restrictions dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa abiso ng Department of Foreign Affairs (DFA), ang mga scammers ay nag-aalok ng travel exemptions kapalit ang malaking halaga ng pera, maging ang mga nag-aalok ng passport appointment assistance sa pamamagitan ng social media.
Ayon kay Assistant Secretary for Consular Affairs Neil Frank Ferrer, hindi sila kumokolekta ng anumang travel exemption fees o naniningil ng sinumang banyagan para makapasok sa bansa.
Inabisuhan ng DFA ang mga embahada at konsulada nito na huwag maningil ng booking appointments para sa consular services at passport services.
Noong nakaraang taon, sinuspinde ng DFA ang pag-iisyu ng visa at pribilehiyo dahil sa pandemya.