DFA, nagbantang tatambakan ng diplomatic protest ang China

Hindi titigil ang Pilipinas sa paghahain ng diplomatic protests laban sa China hangga’t hindi umaalis ang lahat ng Chinese vessels sa Julian Felipe Reef sa West Philippine Sea.

Ayon kay Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., aaraw-arawin nila ang paghahain ng diplomatic protest hangga’t may presensya ng barko ng China sa naturang teritoryo ng Pilipinas.

Nitong Marso, naghain din ng diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs (DFA) matapos mamataan ang 220 Chinese boat sa Julian Felipe Reef.


Una nang naglabas ng pahayag si Defense Secretary Delfin Lorenzana kung saan pinaaalis nito sa nasabing reef ang 44 Chinese vessels.

Maging si Senator Risa Hontiveros ay humimok na rin sa DFA na gumawa na ng diplomatic initiatives sa mga bansang kasapi ng ASEAN kaugnay ng presensya ng tropa ng China sa pinag-aagawang teritoryo.

Nanindigan naman ang Malacañang na ang Julian Felipe Reef ay nasa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas pero hindi gagamit ng pwersa ang gobyerno para mapaalis dito ang pwersa ng China.

Facebook Comments