Nagbukas ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng 800,000 passport appointment slots sa buong bansa.
Sinabi ito ni DFA Asec. Henry Bensurto sa organizational meeting ng Senate Committee on Foreign Relations kahapon matapos sitahin ni Senator Imee Marcos ang ahensya dahil lumalabas sa website ng DFA na March 2023 pa ang may available slots.
Tugon naman ni Bensurto, may ilang lugar na may slots ng September at October at mayroon din aniyang passport on wheels at courtesy lanes para sa senior citizens, PWD at mga buntis.
Hiniling naman ng ahensya na bigyan ng budget ang mga temporary offsite passport sites na hanggang December 2022 na lang kung saan 500 applications kada araw ang napoproseso sa bawat site.
Sagot naman ng senadora, kasama na ito sa pinabibigyan ng budget sa panukalang New Philippine Passport Act kung saan kabilang dito ang isinusulong na pagkakaroon ng emergency passport.
Hindi naman sinuportahan ng DFA ang lifetime validity ng pasaporte na nakalagay sa isinusulong na panukala at dapat limitahan lamang sa sampung taon.
Samantala, tinitingnan din ng ahensya ang pagkakaroon ng mobile application para sa application ng passport.