DFA, nais limitahan sa Filipino skilled workers ang overseas deployment

Iminungkahi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na limitahan na lamang sa Filipino skilled workers ang ipadala sa ibang bansa para maiwasan ang anumang pang-aabuso mula sa mga dayuhang employer.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Labor, sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Sarah Lou Arriola, nararapat lamang na skilled workers ang ipadala ng Pilipinas sa ibang bansa.

Tinukoy ng DFA official ang Republic Act No. 8042 o ang Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995, na inamiyendahan sa ilalim ng RA No. 10022, kung saan nakasaad na ang pamahalaan ay dapat lamang mag-deploy ng OFWs sa mga bansa kung saan protektado ang karapatan ng mga Filipino migrant workers.


Ginagarantiya rin ng batas ang proteksyon ng mga Pilipinong manggagawa sa alinmang bansa lalo na sa ilalim ng labor at social laws.

Sa kabila nito, aminado si Arriola na nahaharap pa rin ang kagawaran sa ilang hamon para dito.

Kahit kumpleto sa requirements ang country of destination, ang problema na aniya ay kung nasusunod ang nakasaad sa kasunduan.

Mahalaga ring isailalim sa training ang mga Pilipinong manggagawa bago sila makwalipikang magtrabaho sa ibang bansa.

Suportado rin ni Center for Migrant Advocacy Executive Director Ellene Sana ang maayos na pagpapatupad ng mga nasabing batas.

Sa ilalim ng RA 10022, ang mga opisyal ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ay mapaparusahan sa pagpapahintulot sa deployment ng mga OFWs sa mga bansang walang garantiya sa kanilang proteksyon.

Facebook Comments