
Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na naka-monitor ang Philippine Embassy sa Tokyo, sa developments sa magnitude 7.5 na lindol sa northeastern coast ng Japan.
Sa ngayon, wala pang natatanggap na report ang Embahada hinggil sa posibleng mga Pinoy na naapektuhan ng lindol.
Nagtutulungan na rin ang Philippine Embassy at ang Migrant Workers Office sa Tokyo para matunton at malaman ang kalagayan ng mga Pinoy na posibleng naapektuhan ng kalamidad.
Kabilang sa pitong prefectures na apektado sa northern Japan ang Hokkaido, Aomori, Iwate, Miyagi, Akita, Yamagata, at Fukushima.
Tinatayang 13,000 na mga Pilipino ang nakatira sa naturang prefectures.
Pinapayuhan naman ng Philippine Embassy ang mga Pinoy sa naturang lugar na manatiling naka-alerto.









