DFA, nakabantay na sa kaso ng inarestong Pinoy sa California dahil sa umano’y pagpapadala ng pondo sa ISIS

PHOTO: FBI - Los Angeles

Nakasubaybay na ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa kaso ng inarestong Pinoy sa California matapos na magpadala umano ng pondo sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).

Ayon sa DFA, handa silang magbigay ng angkop na legal na tulong.

Matatandaang dinakip ng mga awtoridad sa California ang 28 year-old na Pinoy at US green card holder na si Mark Lorenzo Villanueva dahil umano sa pagpapadala ng pera sa mga indibidwal na konektado sa teroristang grupong ISIS.

Sinabi ng US Department of Justice (DOJ) na nagpadala si Villanueva ng higit $1,600 sa loob ng limang buwan bilang tagapamagitan na konektado sa ISIS, at inihayag ang kagustuhang lumaban at mamatay para sa grupo.

Natagpuan din umano ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ang isang bagay na kahawig ng bomba sa kaniyang kwarto.

Samantala, kahaharapin ni Villanueva ang parusang hanggang 20 years na pagkakakulong.

Facebook Comments