Manila, Philippines – Saka-sakali mang matuloy ang deportation o pagpapauwi sa tinatayang 10,000 mga Filipinos sa Estados Unidos bunsod ng pagpapatupad ng U.S. Immigration Law sa ilalim ng Trump Administration, nakahanda ang gobyerno ng Pilipinas na alalayan ang mga maaapektuhan nating mga kababayan.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Allan Peter Cayetano, bukas kamay nating tatanggapin ang mga Pinoy na mapapauwi at tinitiyak nitong mabibigyan sila ng ayuda.
Sinabi pa ni Cayetano, maraming trabaho sa Pilipinas na tiyak na makakatulong sa mga ito.
Kasunod nito, umaasa ang DFA na makakapagsulong ng legislative solution ang Amerika dahil napakaraming indibidwal ang maaapektuhan ng nasabing batas.
Una nang ibinabala ni U.S. President Donald Trump na babawiin nya ang programa na pinapayagang manatili ang mga undocumented immigrants sa Amerika.
Nabatid na si dating US President Barrack Obama ang nagpatupad ng Deferred Action on Childhood Arrivals o DACA noong 2012 kung saan binibigyan ng 2 year protection mula sa deportation ang mga undocumented immigrants at binibigyang oportunidad na makapagtrabaho sa US.
Sa datos ng DFA, mayroong 310,000 mula sa 3.4 million Filipinos ang nananatiling undocumented na naninirahan at nagtatrabaho sa Amerika.