“Hindi maaaring i-hostage ng gobyerno ang libo-libong mga nurse na nais na makapagtrabaho abroad”.
Ito ang binigyang diin ngayon ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. kasunod ng patuloy na umiiral na deployment ban ng pamahalaan sa mga Pinoy nurse ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Locsin, may ilang miyembro ng Inter-Agency Task Force For Emerging Infectious Diseases, ang nakikiisa sa opinyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na kailangang manatili sa bansa ang nurses bilang “reserve force” sakaling lumala pa ang pandemic.
Pero binigyan diin ng kalihim na kailangang bayaran ng gobyerno ang mga ito na katumbas sa sahod na kanilang kinikita sa ibang bansa.
Naninindigan si Locsin na unconstitutional na hindi pagbigyan ang mga nurse sa kanilang karapatan na makabiyahe at kumita para sa kanilang pamilya.
Patuloy aniya nito na ipaglalaban ang karapatan para sa mga healthcare workers sa kabila na laging natatalo sa mga argumento sa mga miyembro ng IATF.