Nanindigan si Foreign Affairs Usec. Eduardo de Vega na hindi puputulin ng Pilipinas ang diplomatic relations nito sa Kuwait sa gitna ng ilang labor issue.
Sa pulong ng House Committee on Overseas Workers Affairs, natanong ang opisyal kung aabot ba sa pagbuwag ng diplomatic relations ng Pilipinas at Kuwait sakaling hindi maayos ang ipinatupad na entry ban ng Kuwait sa mga Pilipino.
Ayon kay De Vega, higit pa sa usapin ng labor o empleyo ang relasyon ng Pilipinas at Kuwait.
Idinagdag pa nito na noong Kuwait National Day ay dumalo pa rin ang Pilipinas sa selebrasyon kahit pa mainit pa ang balita hinggil sa pagpatay sa kababayan nating si Jullibee Ranara sa naturang bansa.
Hindi na rin aniya nais ng Pilipinas na maulit ang nangyari noong 2018 kung saan idineklarang persona non grata ng Kuwait ang ating ambassador doon dahil sa ginawang pagliligtas ng Philippine government sa mga inabusong Pilipino sa naturang bansa.
Samantala, isa sa nakikitang dahilan ng pamahalaan kung bakit nagpatupad ng entry ban sa mga Pilipino ang Kuwait ay dahil sa temporary ban ng Pilipinas sa pagpapadala ng household service workers doon.