Malinaw na dahil sa mga ginagawang iligal na aktibidad ng China ay binubulabog nito ang kapayapaan at kaayusan sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ang iginiit ng Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesperson Teresita Daza sa Laging Handa briefing.
Dahil dito ayon kay Daza, nananawagan ang DFA sa China na tumigil na sa kanilang mga aksyon laban sa Philippine Coast Guard (PCG) sa karagatang sakop ng teritoryo ng Pilipinas.
Ang pahayag na ito ay dahil sa ginawang pagtutok ng military grade laser ng Chinese Coast Guard sa barko at tripulante ng barko ng PCG sa Ayungin Shoal.
Nanindigan si Daza na ang ganitong mga aksyon ng China ay nagpapainit lamang sa sitwasyon sa rehiyon.
Batay aniya sa ginawa nilang verification sa isinumiteng report ng PCG, nakikita nilang iba ang iniaanunsyo ng China sa kung ano ang tunay na nangyayari sa mismong karagatang sakop ng bansa.
Ayon sa opisyal wala silang dahilan para pagdudahan ang report ng PCG lalo na at dokumentado ito, malinaw ang ipinakita ng video at nakitang may nalabag sa UNCLOS, matapos ang pagtutok ng laser sa PCG.
Ang pagtutok aniya ng laser sa barko ng PCG ay isang seryosong hakbang na humahadlang sa Pilipinas para makapagsagawa ng lehitimong aktibidad sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.