Kinumpirma ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo na nagpadala ang Pilipinas ng ‘note verbale’ o diplomatic protest sa China kasunod ng pinakahuling insidente sa Ayungin Shoal sa pagitan ng tropang Pilipino at China Coast Guard (CCG).
Nagmula ang kumpirmasyon ni Manalo sa isang international media conference ngayong umaga kung saan tinalakay ang isyu sa West Philippine Sea.
Nauna nang ibinahagi ni Manalo na naghain ang DFA ng diplomatikong protesta noong nakaraang linggo laban sa naging aksyon ng China sa resupply mission ng Pilipinas nitong ika-17 ng Hunyo.
Ayon pa kay DFA Undersecretary Maria Theresa Lazaro, pinag-iisipan din umano ang pagpapatawag sa Chinese Ambassador na si Huang Xilian kaugnay ng naturang insidente.
Sisikapin umano ng DFA na makamit ang mapayapang pakikipagdayalogo sa Tsina, sa kabila ng matinding tensyon sa West Philippine Sea.
Nanindigan din ang ahensiya na dapat na unahin at mangibabaw ang pakikipagdiyalogo at diplomasya sa gitna ng malubhang insidente.