DFA, patuloy na tinututukan ang kaso ng isang Pinay OFW na ginahasa sa Kuwait

Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na patuloy nilang tinututukan at tinutulungan ang kaso ng isang Pinay OFW na ginahasa sa Kuwait.

Ayon kay Foreign Affairs Assistant Secretary Emmanuel Fernandez, nakikipag-ugnayan na ang Philippine Embassy sa Kuwait para maaresto ang suspek na nakilalang si Fayed Naser Hamad Alajmy.

Lumalabas sa imbestigasyon na noong June 4, 2019 ay nakita at tinulungan ng suspek ang hindi pa pinapangalanang Pinay OFW sa finger-scanning registration sa airport nang dumating ito sa Kuwait.


Matapos nito ay kinidnap at pinagsamantalahan na ni Alajmy ang biktima kung saan hindi pa malinaw sa imbestigasyon kung paano nakatakas ang Pinay OFW.

Samantala, nakikipag-ugnayan na din ang employer ng biktima sa Embahada ng Pilipinas maging sa local authorities ng Kuwait hinggil sa nasabing kaso.

Facebook Comments