Ligtas nang nakauwi sa bansa ang isang Pilipanang biktima ng domestic abuse, at kanyang tatlong anak mula sa Lebanon.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) umalis sa Lebanon ang mag-iina nitong Hunyo 1 at dumating dito sa bansa noong Hunyo 2.
Ang Pinay ay isang Overseas Filipino Worker (OFW) na dumating sa Lebanon noong 2010 at nakapag-asawa ng Lebanese noong 2012.
Batay sa ulat, humingi ng tulong ang Pinay sa embahada na makauwi sa Pilipinas nang makaranas ng pang-aabusong pisikal at banta sa kanyang buhay matapos mawalan ng trabaho ang kanyang asawa noong pandemic.
Sa tulong ng Philippine Embassy Assistance -to- National (ATN) section, Migrant Workers Office (MWO) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ay napauwi ang mag-iina dito sa bansa.
Kung matatandaan ay itinaas ng gobyerno ng Pilipinas ang alert level 3 o voluntary repatriation sa Lebanon simula noong 2023, kung saan 273 distressed Filipino ang napauwi dito ng embahada.