DFA, pinabulaanan na itinigil na ng Japan ang search and rescue operations sa mga nawawalang Pinoy crew

Pinabulaanan ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na itinigil na ng Japan government ang search and rescue operations sa nawawalang 36 na Pinoy crew na sakay ng Gulf Livestock 1, isang cargo vessel na lumubog sa bahagi ng kanilang karagatan kamakailan.

Sa post ni Secretary Locsin sa kaniyang Twitter, sinabi nito na walang inilabas o ipinag-utos ang Japan na itigil ang sea operation noong Sabado, sa katunayan, tuloy-tuloy pa rin ang paghahanap ng mga otoridad doon kung saan umaasa silang lahat na matatagpuan na ang mga Pinoy seafarers .

Hindi naman hihingi ng tulong si Locsin sa iba pang mga bansa sa Asya dahil ito ay magiging pag-atake sa soberenya ng Japan.


Una nang nanawagan si Senadora Risa Hontiveros sa Japanese government na palawakin pa ang search and rescue operations at pagsikapan na mahanap ang mga Filipino seafarers.

Samantala, naiuwi na sa bansa ang labi ng Pinoy seaman na si Joel Canete Linao na crew ng lumubog na Gulf Livestock 1.

Si Linao ay kasama sa tatlong Pinoy crew na nasagip ng Japan Coast Guard ngunit namatay din kinalaunan.

Matatandaan na September 2 nang lumubog ang Gulf Livestock 1, sakay ang 43 tripulante kabilang ang 39 Filipino crew.

36 sa mga ito ang nawawala pa rin sa karagatan ng Japan.

Facebook Comments