Pinasinungalingan ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo ang pagdududa na isang kasunduan ng Pilipinas at China ang pag-alis ng barkong BRP Teresa Magbanua ng Philippine Coast Guard (PCG) mula sa Escoda Shoal.
Lumabas ang ganitong hinala dahil ang pag-alis ng BRP Teresa Magbanua sa dagat at pagbalik sa port ng Palawan noong September 15 ay timing sa katatapos lang na pulong sa Beijing ng bilateral consultation mechanism na dinaluhan ng matataas na opisyal ng dalawang bansa noon namang September 11.
Sinagot ni Manalo sa budget hearing ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Senado na coincidence o nagkataon lamang ito.
Paliwanag ni Manalo, ang nangyaring pulong ay tumalakay sa mga isyu ng Pilipinas at China tungkol sa West Philippine Sea (WPS) at kapwa naggiit ng kani-kaniyang paninindigan ang dalawang bansa pero walang kasunduan sa pag-alis ng barko ng bansa.
Ngayong weekend naman ay patungo ang kalihim sa New York para dumalo sa ika-79 na United Nations General Assembly (UNGA) at susubukan ni Manalo na humingi ng suporta ng iba’t ibang bansa para sa kandidatura ng Pilipinas bilang non-permanent member ng United Nations Security Council sa 2027 hanggang 2028.