Inirekomenda ni Senator Risa Hontiveros sa Department of Foreign Affairs (DFA) na magsulong ng updated na security agreements sa ibang mga bansa para lumakas ang depensa ng Pilipinas sa West Philippine Sea laban sa China.
Ayon kay Hontiveros, ito ay bilang paghahanda sakaling lumala ang tensyon sa West Philippine Sea.
Aniya, kailangang gamitin ng gobyerno ang lahat ng kaparaanan para maipagtanggol ang Pilipinas laban sa patuloy na panghihimasok ng China.
Paliwanag ng senadora, ang pagkakaroon ng security agreement ng Pilipinas sa ibang mga bansa ay magsisilbing defensive framework para bigyang daan ang joint patrols at pagsasanay ng militar.
Pinayuhan din ng mambabatas ang bansa na hindi dapat umasa sa Mutual Defense Treaty sa pagitan ng Estados Unidos para maprotektahan ang soberenya ng bansa sa WPS.
Dapat aniyang kumilos na ang pamahalaan at gumawa ng mga hakbang para tulungan ang mga kababayang direktang apektado ng pambu-bully ng China.