Inanunsyo ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teodoro Locsin Jr. ang paninindigan ng Pilipinas sa pagsuspinde sa pending termination ng Visiting Forces Agreement (VFA) sa Amerika.
Ayon kay Locsin, mismong ang Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos sa kanya na ipaabot ang nasabing desisyon sa Ambassador ng Amerika sa Pilipinas sa pamamagitan ng diplomatic note na malugod namang tinanggap ng US Embassy.
Nangangahulugan aniya ito na tuloy ang military partnership ng Pilipinas at ng United States.
Nilinaw ni Locsin na walang dapat ikabahala ang mga bansa sa Asya maging sa buong mundo sa naging pasya ng Philippine government.
Una nang ipinag-utos ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkansela sa nasabing tratado sa Amerika matapos na ikansela ng US government ang US visa ni Senador Ronald Dela Rosa.