Muling ipinaalala ng Embahada ng Pilipinas sa Lebanon na hindi sila konektado sa anumang indibidwal o establisyimento sa labas ng nasasakupang lugar nito.
Sa inilabas na abiso ng Department of Foreign Affairs (DFA), ang lahat ng serbisyo ay ginagawa sa loob ng embahada mismo at wala silang transaksyon sa labas o anumang establisyimento.
Ang sinuman na naghahanap ng serbisyo mula sa consular section, assistance to national section, Philippine Overseas Labor Office (POLO) ay dapat na dumiretso sa embahada para sa instructions.
Pinayuhan rin ng DFA ang publiko na isumbong sa kanila ang mga establisyimento na nagpapanggap na konektado sa embahada o nagsasabing sila ay kaya ring magbigay ng serbisyo ng embahada.
Ito’y upang matigil ang iligal na gawain at masampahan ng kaso ang mga ito.