Inaprubahan na ng Committee on Foreign Affairs ng Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo.
Nagmosyon si CA Majority Leader at Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte para pagtibayin na sa plenaryo ang appointment ni Manalo na sinegundahan naman ni Senator Risa Hontiveros.
Naging sentro ng pagtatanong ng CA panel kay Manalo ang mga international treaty ng bansa, isyu sa passport printing, West Philippine Sea, Exclusive Economic Zone ng bansa, ang claim na sakop ng 9-dash line ng China ang teritoryo ng bansa at ang foreign policy ng bansa sa Russia-Ukraine war.
Nausisa naman ni Cong. Jose Padiernos si Manalo patungkol sa harassment na ginagawa ng mga Chinese vessel sa ating mga mangingisda kung saan tiniyak ng kalihim na hindi lang “notes verbal” ang ginagawa ng pamahalaan para igiit ang karapatan sa ating teritoryo at maprotektahan ang ating mga mangingisda.
Ilan aniya sa mga approach na ginagawa ng DFA ang bilateral meetings ng bansa sa foreign ministry ng China para talakayin ang isyu at iba pang concern sa West Philippine Sea at bilateral consultation na nakasentro naman sa mga usapin sa South China Sea.
Naitanong din ang hakbang ng DFA sa kaso ng Pinay na nasa death row sa Indonesia na si Mary Jane Veloso.
Ayon kay Manalo, sa nakaraang state visit ni Pangulong Bongbong Marcos sa Indonesia ay inatasan siya ng pangulo na iparating sa Foreign Ministry ng nasabing bansa ang hiling na gawaran na ng ‘executive clemency’ ang kababayang si Veloso.