Malabong talakayin ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. sa United Nations General Assembly ang pagkapanalo ng Pilipinas sa International Arbitral Tribunal noong 2016 na nagbabasura sa pag-angkin ng China sa buong South China Sea.
Ito ang pahayag ng kalihim matapos imungkahi ni dating Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario na i-akyat ang isyung ito sa UN Assembly na gaganapin sa Setyembre.
Paliwanag ni Locsin, ang pag-ungkat sa paksa ay mauuwi lamang sa debate.
Mas mainam na huwag munang mapag-usapan ang pagpabor ng Permanent Court of Arbitration sa Pilipinas.
Dagdag pa ni Locsin, paulit-ulit ding tinatanggihan ng China na kilalanin ang legal victory ng Pilipinas at walang balak na makilahok sa ‘the Hague’ proceedings.
Nabatid na ang China at mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ay mayroong Declaration of Conduct in the South China Sea na nilagdaan noong 2002 kung saan inaatasan ang mga bansa na iwasang magsagawa ng mga aktibidad na posibleng makaapekto sa kapayapaan sa rehiyon.
Gayumpaman, ang nasabing Declaration of Conduct ay isang non-binding agreement kaya naipagpatuloy ng China ang pagsasagawa ng reclamation activities nito sa South China Sea, kabilang ang mga lugar na nasa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.