Ipinagkibit-balikat lamang ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ang paggiit ng China na nagsasagawa ang Pilipinas ng “illegal provocations” sa West Philippine Sea.
Ayon kay Locsin, malaya ang sinuman na ihayag ang kanilang opinyon at reaksyon.
Aniya, naghain siya ng protesta laban sa mga hakbang ng China na sa tingin niya ay paglabag sa teritoryo ng Pilipinas.
Iginiit ni Locsin na patuloy na magsasagawa ng regular maritime patrols ang mga eroplano at barko ng Pilipinas sa mga lugar na pamamay-ari ng bansa sa kabila ng pagtutol ng China.
Sinabi ni Locsin na hayaan lang ang China na ipahayag ang kanilang pagkontra dahil hindi na mababago ang kanilang pananaw.
Natalo sila sa 2016 Arbitral Ruling ng The Hague kaya hindi nila tatanggapin ito.
Noong August 20, naghain ng Pilipinas ng diplomatic protest laban sa China dahil sa ilegal na pagkumpiska ng payao ng mga Pilipinong mangingisda sa Bajo De Masinloc noong Mayo.
Bahagi rin ng protesta ang ilegal na pagraradyo ng China sa Philippine aircraft na nagsasagawa ng lehitimong maritime patrols sa West Philippine Sea.