Iminungkahi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na magkaroon ng batas ang Pilipinas na kumikilala sa civil union ng magkaparehas na kasarian.
Ito ang tugon ng kalihim matapos magdesisyon ang Japanese court na ideklarang “unconstitutional” ang pagbabawal sa same-sex marriage.
Sa kanyang tweet, suportado niya ang same sex civil unions pero dapat sumunod din ang simbahan na magsagawa ng kasal para dito.
Binigyang diin ni Locsin na walang bisa ang kasal sa simbahan kung walang civil marriage.
Sa isa pang hiwalay na Twitter post, sinabi ni Locsin na pabor siya sa civil union law na ikokonsidera ang pagbabago sa immigration status ng isang dayuhan na mayroong common-law marriage arrangement sa isang Pilipino.
Matatandaang noong January 2020, ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon para gawing legal ang gay marriage sa bansa.
Ipinaubaya ng Kataas-taasang hukuman sa Kongreso kung pahihintulutan ang same-sex marriage sa bansa.