Ipinaparesto ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teodoro Locsin Jr. sa mga otoridad ang ilang Overseas Filipino Workers (OFWs) na tumakas sa quarantine facility ng Philippine Coast Guard (PCG).
Ayon kay Locsin, sakaling madakip, agad na magsagawa ng contact trace at isailalim sa pagsusuri ang mga nakasama o nakasalumuha ng mga tumakas na OFWs.
Nais din ng kalihim na kunan ng larawan ang quarantine facilities o ang lugar kung saan nanatili at tumakas ang mga OFW maging ang kalagayan nito.
Aniya, sakaling may pagkukulang ang mga naturang pasilidad, marami pa naman daw motel na maaaring makausap ang may-ari upang mabuksan ang mga ito.
Unang inihayag ni PCG Spokesperson Commodore Armand Balilo na ang mga nakatakas na OFWs ay nag-positibo sa COVID-19 kung saan hindi pa sila sigurado kung ilan ang mga ito.
Sinabi pa ni Commodore Balilo na ang mga naturang OFW ay maaaring makasuhan ng paglabag sa Bayanihan to Heal as One Act.
Matatandaan na ang lahat ng OFWs na umuuwi sa bansa ay dapat sumasailalim sa mandatory na 14-day quarantine at kinakailangan din na may clearance na sila bago umuwi sa kani-kanilang tahanan.
Sa datos naman ng DFA, nasa 25,000 OFWs na ang na-repatriate mula ng buwan ng Pebrero dahil na rin sa banta ng COVID-19.
Aabot naman sa 2,397 na kaso ng COVID-19 ang naitala ng DFA sa iba’t ibang bansa, 277 na ang nasawi at 1,294 naman ang nakarekober sa sakit.