DFA, tinawag na ang pansin ng US Embassy tungkol sa paglapag ng isang US military plane sa NAIA

Tinawag na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pansin ng United States Embassy dahil sa kawalan ng koordinasyon sa paglapag ng isang US military plane sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong June 6.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations tungkol sa kwestyunableng pag-landing ng US military aircraft sa NAIA, inihayag ni Foreign Affairs Assistant Secretary Jose Victor Chan Gonzaga na nakausap na nila ang US Embassy at nangako na hindi na ito mauulit.

Sinabi nito na dapat nagawa pa ring magbigay ng advance notice ang airport authorities ng bansa kahit pa may pangangailangan na mag-landing ang eroplano.


Plano ng DFA na talakayin ang usapin na ito sa Presidential Commission on Visiting Forces Agreement upang hindi na maulit ang naturang pag-landing na walang maayos na koordinasyon sa ating militar.

Napag-alaman sa imbestigasyon na hindi naabisuhan ng US military ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa paglapag ng kanilang aircraft dahil sa kawalan ng koordinasyon sa pagitan ng ground handler at ng operator ng military plane.

Facebook Comments