DFA, tiniyak na bukas ang Pilipinas sa pakikipag-ugnayan sa Vietnam matapos ang paghahain nila ng extended continental shelf sa South China Sea

Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na bukas ang Pilipinas sa pakikipag-usap sa Vietnam matapos maghain ang nasabing bansa ng extended continental shelf sa South China Sea.

Ayon sa DFA, handa ang Pilipinas na makipag-ugnayan sa Vietnam para kapwa makamit nito ang patas na solusyon sa isyu ng naturang karagatan, alinsunod sa international law partikular sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Nirerespeto rin anila ng Pilipinas ang karapatan ng Vietnam bilang coastal state tulad ng Pilipinas, at ang pagnanais nito na makuha ang lagpas sa 200 nautical miles mula sa baselines ng territorial sea sa ilalim ng UNCLOS.


Inihayag din ng DFA na naninindigan din ang Pilipinas sa pag-angkin nito sa extended continental shelf sa Western Palawan Region base sa maritime entitlements sa ilalim ng UNCLOS.

Facebook Comments