
Umalma ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa banta ng Chinese Embassy in Manila hinggil sa posibleng milyong mga Pilipino na mawalan ng trabaho sa China.
Ito ay sa harap ng patuloy na batuhan ng patutsada sa pagitan ng Embahada ng Tsina at ilang opisyal ng Pilipinas.
Ayon sa DFA, pinahahalagahan nila ang pagtutulungan ng mga bansa sa larangan ng ekonomiya, kultura, at iba pang aspeto dahil sa benepisyong dulot nito sa Pilipinas at sa mamamayan.
Gayunman, hindi anila sila sang-ayon sa paraan na tila paghihiganti ang ipinapakita ng Embahada ng Tsina.
Maituturing din umano na pagpapahina sa dayalogo sa pagitan ng dalawang bansa ang naturang pagbabanta.
Muli ring hinimok ng DFA ang Chinese Embassy na maging responsable sa tono nito sa pakikipagpalitan ng mga pahayag sa ilang opisyal ng pamahalaan ng Pilipinas.










