DHSUD, aminadong mahihirapan tuparin ang target na 1 million housing units kada taon dahil sa maliit na budget

Aminado ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na malabong maisakatuparan ang programa para sa pabahay ng Marcos administration sa kakarampot nilang pondo para sa 2023.

Sa budget hearing ay naitanong ni Senator Robin Padilla kay DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar kung papaano magagawa ang pagtatayo ng 1 milyong housing units kada taon kung ang alokasyon lang na inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program (NEP) para sa ahensya ay nasa ₱3.95 billion lang o halos kalahati ang ibinaba kumpara sa ₱7.61 billion na budget ng ahensya ngayong taon.

Ayon kay Acuzar, ang mababang pondo ang dahilan kaya naman nakikiusap sila sa Senado na maikunsidera ang ₱36 billion na hirit na dagdag na pondo para sa interest subsidy ng housing program upang makamit ang target na 1 milyong housing units kada taon.


Layunin ng programang pabahay ng kasalukuyang pamahalaan na matugunan ang 6 million housing backlog sa loob ng anim na taon pero aminado ang kalihim na walang ganoong kalaking pera ang gobyerno.

Sa target kasi na maitayong 1 million housing units kada taon, gagastos ang pamahalaan ng mahigit sa 1 trillion pero batay sa proposal ng DHSUD na inaprubahan din ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, magtutulungan ang ahensya at private sector kung saan ang mga housing recipients ay principal at 1% lang ng interes ang babayaran at ang natitirang interes ay gobyerno na ang magbabayad.

Giit pa ni Acuzar, maraming pondong mapagkukunan sa private sector tulad sa mga bangko at sa capital market na siyang gagamitin ng pamahalaan para sa housing program.

Facebook Comments