Inutusan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang key shelter agencies nito na magpatupad ng moratorium sa buwanang pagbabayad ng kanilang mga benepisyaryo na apektado ng Bagyong Carina.
Kabilang sa key shelter agencies ay ang Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG Fund, National Housing Authority (NHA), Social Housing Finance Corporation (SHFC) at ang National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC).
Makikinabang sa hakbang ng DHSUD ang libu-libong pamilyang Pilipino na may mga natitirang pautang sa key shelter agencies.
Bukod sa moratorium, magkakaloob din ang social housing finance corporation ng 9,132 na relief packs sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyo sa loob ng kanilang project sites.
Una rito, inanunsyo rin ng Pag-IBIG Fund ang paglalaan ng P3 bilyon na calamity loan para sa mga miyembro nito.
Kahapon, hindi na bababa sa 250 loan applications na ang natanggap ng ahensya.
Magde-deploy rin ang Pag-IBIG Fund ng kanilang Pag-IBIG on-wheels mobile offices sa mga apektadong lugar upang mailapit sa mga tao ang frontline services nito.